Planong ipresenta ng Department of Education (DepEd) ang nirepasong K-12 curriculum sa Enero 30.
Ito ang inihayag ni press briefer Daphne Oseña-Paez sa media briefing sa Malacañang ngayong araw matapos ang Cabinet meeting ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan iprinisenta ng ilang Cabinet Secretaries ang kanilang achievements noong nakalipas na taon at ang kanilang mga plano para ngayong 2023.
Sa panig ng Deped, iprinisenta ni Secretary VP Inday Sara Duterte ang plano para sa pagkakaroon ng isang inclusive learning, suporta para sa mga guro kabilang na ang pagpapabuti pa sa nasabing curriculum.
Una ng iniulat ni VP Sara na binigyan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Deped ng hanggang sa susunod na linggo para matapos ang komprehensibong pag-aaral at para makapagsumite ng pinal na rekomendasyon kaugnay sa K-12 program ng bansa.
Hiniling din ni VP Sara ang pag-adopt ng Basic Education Development Plan (BEDP) ng Duterte administration, na pinangunahan ni dating Education Secretary Leonor Briones.
Isa sa gampanin ng naturang plano ang pag-review sa K-12 program.
Sinabi ni VP Sara na nakapagsagawa na si Secretary Briones ng pag-busisi sa Kinder to Grade 10 curriculum at malapit na itong matapos at gagawa ng kanilang report habang sisimulan naman aniya sa ilalim ng kaniyang liderato ang pag-review sa Grades 11 hanggang 12 curriculum.