Hawak ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang retired Army at kasabwat na naaresto ng Philippine National Police dahil sa dalawang bilang ng kasong attempted homicide.
Sinabi ni QCPD Director, Police Brig. General Nicolas D Torre III ang naturang mga suspek ay nahuli ng mga tauhan ng Cubao Police Station (PS 7) sa Quezon City.
Ayon naman kay Police Lt. Col. Joseph Euje Almaquer, Station Commander ng police station 7 ang mga suspek ay sina Retired Army Alberto Licay Marticio, 59 na residente ng Brgy. Socorro Cubao, Quezon City.
Habang ang kanyang kasabwat naman ay si Eduardo Valencia, 69 years old at residente ng Alicia, Isabela.
Base sa inisyal na imbestigasyon, noong Disyembre 23, 2022 nanananghalian daw ang biktimang si AJ Mae Labunog 20-anyos sa No. 247 15th Ave., Brgy. Socorro, Quezon City nang dumating ang dalawa at pagtutulungan sana siyang saksakin pero nakatakbo ang biktima.
Nang marining naman ng kapatid ni AJ na si Arjay Labunog ang sigaw ng kapatid ay agad itong lumabas sa kanyang kuwarto pero sinaksak ito ni Valencia sa ibabang bahagi ng kanyang katawan.
Masuwerte naman itong nakabalik sa kanyang kuwarto kasama ang ilang pamangkin at dito nagkulong.
Pero sinubukan namang buksan ng suspek na si Marticio ang pintuan sa pamamagitan ng pagsipa nito.
Habang nagkakaroon naman ng komosyon ay agad nagpasaklolo si AJ at masuwerte itong narinig siya ni Police Staff Sgt Rommel Tuble at Patrolman Marvin Abad.
Bago naman mabuksan ng suspek ang pinto ay nakaresponde na ang mga otoridad na nagresulta sa agad na pagkakaaresto ng mga ito at narekober ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Sa ngayon ay nakaditine na ang mga suspek sa police station 7 ng QCPD at sasampahan na ng dalawang bilang ng kasong Attempted Homicide sa Quezon City Prosecutor’s Office.