Inilarawan ng retiradong branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) Shaw Boulevard na si Violeta Constantino bilang “unusual” o hindi pangkaraniwan ang apat na cash withdrawals na tig-P125 million ng Office of the Vice President (OVP), na may kabuuang halaga na P500 million.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Hulyo 29, sinabi ni Constantino na sa kanyang 32 taong serbisyo sa LandBank, ito ang pinakamalaking cash withdrawal na kanyang nahawakan.
Karamihan daw kasi sa mga ahensya ng gobyerno ay gumagamit na ng online transactions o tseke sa kanilang mga pagbabayad, kaya bihira na ang malalaking cash withdrawals.
Ipinaliwanag din niya na bagama’t hindi pangkaraniwan ang transaksyon, dumaan naman ito sa tamang proseso matapos magbigay ng advance notice ang OVP sa bangko upang maihanda ang kinakailangang halaga ng pera.
Ayon pa sa dating bank manager na ang P125 million cash sa bawat transaksyon ay isinilid sa apat na gym bags at inilabas sa bangko gamit ang trolley. Wala ring ginamit na armored vehicle dahil wala umanong kasunduan ang bangko at OVP para sa cash delivery, at hindi rin ito hiniling ng tanggapan.
Nilinaw din ni Constantino na hindi nagtanong ang LandBank kung saan gagamitin ang perang winithdraw at hindi rin nila alam noon na ito ay may kaugnayan sa confidential o intelligence funds.
Samantala, iginiit ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na ang pagiging “unusual” ng isang transaksyon ay hindi nangangahulugang ito ay ilegal.
Sumang-ayon naman si Constantino at sinabing walang paglabag sa proseso ng pag-encash ng mga tseke dahil kumpleto ang mga dokumento at awtorisado ang kumuha ng pera.
Kinumpirma naman ng kampo ni VP Sara ang authentication ng mga ipinakitang tseke na pinondohan ng Philippine Treasury, at legal na na-encash ng dating OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta.
















