Pansamantalang isinara ng lokal na pamahalaan ng Dipaculao, Aurora ang isang resort kung saan nalunod ang dalawang miyembro ng Ateneo Blue Eagles Men’s Basketball Team na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili noong Hunyo 8, 2026.
Matatandaang inanunsyo ng Ateneo de Manila University noong Lunes ang pagpanaw nina Baterbonia at Adili matapos umano silang malunod habang nasa isang team-building activity ng koponan sa Dipaculao.
Napag-alaman na naglabas ng Temporary Closure Order ang lokal na pamahalaan laban sa Hermanos Leisure and Farm Resort kasunod ng direktiba ni Dipaculao Mayor Danilo A. Tolentino.
Layunin ng kautusan na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa insidente at matiyak ang kaligtasan ng mga residente at turistang bumibisita sa mga pasyalan sa bayan.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng masusing inspeksyon ang isang composite inspection team na binubuo ng mga kinatawan mula sa Business Permits and Licensing Office (BPLO), Municipal Tourism Office (MTO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Philippine Coast Guard (PCG).
Batay sa paunang pagsusuri, lumabas na umano’y nabigo ang resort na sumunod sa ilang mahahalagang probisyon at safety requirements na nakasaad sa Sangguniang Bayan Ordinance No. 2025-12. Ang naturang ordinansa ay naglalayong palakasin ang mga pamantayan sa kaligtasan sa mga beach resort at iba pang tourism-related establishments sa loob ng munisipalidad.
Ayon sa mga opisyal, bahagi ang pagpapasara sa resort ng mas malawak na kampanya ng lokal na pamahalaan upang mahigpit na maipatupad ang mga umiiral na regulasyon at matiyak na sumusunod ang mga establisimyento sa kinakailangang safety standards, lalo na sa mga aktibidad na may kaugnayan sa tubig.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang pamahalaang bayan ng Dipaculao sa mga pamilya, kaibigan, teammates, at mga mahal sa buhay nina Baterbonia at Adili.
Samantala, nangako ang mga lokal na awtoridad na paiigtingin ang pagpapatupad ng mga hakbang sa kaligtasan at palalakasin ang koordinasyon sa mga kaukulang ahensya upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.










