-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na hindi napapanahon at hindi patas ang ilang panawagang pagsibak o pagbibitiw ni Health Sec. Francisco Duque III.

Kung maaalala, nadiin si Sec. Duque sa pagdinig ng Senado kahapon kung saan nabisto ang kabiguan nila sa contact tracing sa mga nakasabay sa eroplano at nakasalamuha ng Chinese national mula sa Wuhan, China, na bumisita sa Pilipinas.

Sinabi ni Cabinet Sec. Nograles, ang contact tracing ay isa lamang sa maraming aspeto ng malawakang sistema sa pagpigil ng pagkalat ng nakakamatay na novel coronavirus.

Ayon kay Sec. Nograles, inamin ng Department of Health (DOH) ang pagkukulang at kanilang inaayos na.

Sa ngayon, naniniwala daw sila sa kakayahan at pagpupursige ni Sec. Duque sa kanyang trabaho at wala silang nakikitang dahilan para ito magbitiw sa puwesto.

Nananatili rin aniya ang “trust and confidence” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalihim ng DOH.