Hindi pa rin pinipirmahan ng national government ang request ng apat na local government units para sa execution ng tripartite agreement sa pagbili ng COVID-19 vaccines, ayon kay League of Provinces of the Philippines president Presbitero Velasco.
Sinabi ito ni Velasco sa harap ng mga panawagan na silipin ang mga kasunduan sa pagbili ng COVID-19 vaccines ng mga local government units at ng private sector sa bansa na kasalukuyan ay pending pa rin.
Ayon kay Velasco, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na hindi pa rin napipirmahan ang request ng apat na LGUs.
Ilang dahilan ang nakikita ni Velasco kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naipapatupad ang requests ng mga LGUs na ito katulad na lamang nang prioritization ng national government sa supply ng bakuna.
Prayoridad pa rin kasi aniya kahit ng mga suppliers na unang mabigyan ng supply ang national government.
Gayunman, umaasa si Velasco na maiintindihan ng mga gobernador ang supply at regulatory issues na ito.