Pinaiimbestigahan ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Kamara ang request ng police intelligence officer sa Calbayog City nang listahan ng mga abogado na dumidipensa sa mga pinaghihinalaang rebeldeng komunista.
Iginiit ni Rodriguez na hindi lamang “improper” ang naturang request kundi ito ay “alarming” din bukod pa sa paglabag ito sa tungkulin ng mga abogado na magbigay ng legal service sa kung sino man ang mangangailangan nito.
Noong Sabado lang ay sinibak na ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Guillermo Eleazar si Lt. Fernando Calabria Jr. mula sa puwesto nito.
Pinuri ito ni Rodriguez, pero iginiit na kailangan na maimbestigahan ang pag-request ni Calabria para matukoy kung sino ang nagbigay ng utos dito para humingi sa Calbayog Regional Trial Court ng listahan ng mga abogado ng mga suspected communist.
Magugunita na ayon kay Calabria, hiningi niya ang naturang listahan matapos siyang utusan ng mga “higher-ups” daw niya.
Sa pamamagitan ng imbestigasyon na ilulunsad ng Kamara ay matutukoy din kung may kaparehong insidente nang nangyari sa nakalipas sa ibang bahagi ng bansa, ayon kay Rodriguez.










