Kinumpirma ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pag-uwi sa lahat ng mga labi ng namatay na overseas Filipino workers (OFWs) sa Kingdom of Saudi Arabia, namatay man sa COVID-19 o sa ibang dahilan.
Sinabi ni OWWA administration chief Hans Leo Cacdac, makakaasa ang mga naulila ng mga nasawing OFWs na maiuuwi na sa takdang panahon ang kanilang mga mahal sa buhay at mismong si Labor Sec. Silvestre Bello III ang nagpapasinaya sa proseso ng repatriation.
Ayon kay Cacdac, sagot ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-repatriate sa mga labi ng mga nasawing OFWs.
Una ng inihayag ng IATF na sa Saudi Arabia na ililibing ang mga labi ng OFWs dahil ipinagbabawal doon ang cremation at nagbabala ang mga health workers sa risk ng pagbiyahe ng mga bangkay ng mga nasawi dahil sa COVID-19.
Batay sa data ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 287 bangkay ng mga OFWs ang naipon sa Saudi Arabia dahil sa ipinatupad na travel restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.
Mula sa nasabing bilang, 107 ang namatay sa COVID-19 habang 180 ay sanhi ng iba’t ibang sakit o dahilan.
















