-- Advertisements --

Umapela si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson sa gobyerno na magkaroon ng pansamantalang “price cap” sa air fares para sa “domestic” na mga ruta.

Naghain ng House Resolution 307 ang mambabatas hinggil sa “price cap.”

Hinihimok din ni Rep. Singson ang kaukulang komite ng Kamara na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ukol sa umano’y nakaka-alarmang pagtaas sa presyo sa pamasahe sa eroplano na kinokolekta ng iba’t ibang airline companies.

Paliwanag ni Singson, ang price cap ay para sa proteksiyon ng mga pasahero, gayundin ng airline companies.

Binanggit ng mambabatas na batay sa mga datos, ang local air travel bookings ay tumaas lalo’t maraming local destinations ang nagluwag na ng COVID-19 restrictions at nagbukas ng borders.

Pero, may mga reklamo at ulat aniya na may mga airline company na sinasamantala ang sitwasyon, at ang mataas na halaga ng langis sa kasalukuyan ay ipinapasa sa mga commuter sa pamamagitan ng taas-pasahe sa eroplano.

Ayon kay Singson, batid naman ng lahat na ang mataas na presyo ng produktong petrolyo ay dahil sa tensyon ng Russia at Ukraine, at pandemya.

Ngunit, masyadong kaduda duda kung bakit ang airline companies ay masyadong mataas maningil ng pasahe sa mga biyahero partikular sa mga kilalang destinasyon sa bansa gaya ng Boracay, Cebu, Bohol, Siargao at Palawan, kumpara sa mga probinsya o destinasyon.

Babala ng kongresista, maaaring bumagsak ang “air travel demand” kung mananatiling mataas ang air fares, at kinalauna’y makakaapekto sa aviation sector at industriya ng turismo.

Binigyang-diin ni Singson na dapat masilip ng Kongreso kung bakit pinayagan ng Civil Aeronautics Board o CAB na maningil ng labis ang mga airline company.