Isinusulong ni Leyte Representative Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbuo ng isang regional rapid-response network na binubuo ng mga mental health at child protection professionals upang mas mabilis na makatugon sa mga insidente ng karahasan at mga estudyanteng nangangailangan ng agarang tulong.
Ito ay kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit 20 iba pa.
Sa pulong kasama ang mga opisyal ng Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Romualdez na tatlo ang pangunahing hakbang na nais niyang ipatupad.
Una, bubuo ng regional network ng mga volunteer psychologist, psychiatrist, guidance counselor, social worker at iba pang propesyonal na maaaring agad na maipadala sa mga lugar na may ganitong insidente.
Ikalawa, magsasagawa ng regular na seminar para sa mga estudyante, guro at magulang tungkol sa mental health, child protection at pag-iwas sa karahasan.
Ikatlo, palalakasin ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga paaralan at lokal na komunidad upang mas mabilis na matulungan ang mga batang nangangailangan ng suporta.
Nagpahayag din ng pakikiramay si Romualdez sa mga pamilya ng mga biktima at iginiit na hindi sapat ang pakikiramay lamang.
Aniya, kailangang gumawa ng mga konkretong hakbang upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na mahalagang magsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mapag-usapan hindi lamang ang pagtulong sa mga naapektuhan kundi pati ang mga hakbang upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.
Dahil dito, sinabi ni Romualdez na dapat palakasin ang buong sistema ng child protection at school safety.
Kabilang sa mga posibleng hakbang sa Kongreso ang pagpapalawak ng school mental health programs, pagdaragdag ng guidance counselors at social workers sa mga paaralan, pagpapalakas ng Good Manners and Right Conduct (GMRC), at pagrepaso sa mga patakaran para sa ligtas na paggamit ng social media ng mga menor de edad.
Ayon kay Romualdez, responsibilidad ng buong pamahalaan, mga paaralan, mga magulang, komunidad at bawat Pilipino ang kaligtasan ng mga bata.
Aniya, hindi na dapat hintayin pa ang panibagong trahedya bago ayusin ang mga kakulangan sa school safety, mental health support at child protection.










