Dumalaw si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa lamay ng mga estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School at binisita rin ang mga nasugatan noong Martes ng gabi.
Nakiramay si Romualdez sa mga naulilang pamilya at nangakong susuportahan ang kanilang panawagan para sa hustisya.
“Nandito tayo para kumustahin at magbigay ng suporta sa kanilang panawagan para sa hustisya,” ani Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na ang insidente ay nagdulot ng matinding lungkot hindi lamang sa mga pamilya ng mga biktima kundi sa buong Leyte.
Nagdasal din siya para sa agarang paggaling ng mga sugatan at hinimok ang publiko na makiisa sa pagsuporta sa mga naapektuhan ng trahedya.
Umaasa rin si Romualdez na makakamit ang hustisya at mapapalakas ang mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa mga paaralan at komunidad.










