Iginiit ni House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na may sapat na kapangyarihan ang Senate impeachment court upang buksan ang nakaseelyong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax record ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ng kanilang mga negosyo.
Ayon kay Ridon, ang impeachment proceedings ay hiwalay na prosesong konstitusyonal kaya hindi kinakailangang umasa sa mga eksepsiyong nakasaad sa BIR Code upang mabuksan ang mga dokumento.
Sinabi niya na unang lumitaw ang usapin sa House Justice Committee nang magpahayag ng pangamba ang BIR sa paghawak ng mga tax record. Gayunman, iginiit ng ilang mambabatas na ang impeachment ay hindi isang legislative inquiry kundi hiwalay na tungkulin ng Kongreso.
Binigyang-diin ni Ridon na ang subpoena na inilabas sa BIR ay nag-uutos sa ahensya na isumite ang mga dokumentong hinihingi ng Kamara para sa impeachment proceedings. Aniya, nasa loob ng nakaseelyong kahon ang mga tax document ng mag-asawang Duterte-Carpio at kanilang mga negosyo na saklaw ng subpoena.










