Hinimok ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang Office of the Ombudsman na imbestigahan ang posibleng malversation o maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Ridon, may mga dokumentong nagpapakita umano ng posibleng manipulasyon sa accomplishment reports ng OVP. Aniya, paulit-ulit na lumitaw ang halagang P125 milyon kahit nagbabago ang sakop na panahon, lugar at mga line item.
Partikular na binanggit ni Ridon ang P16 milyon na nakalaan umano para sa renta at maintenance ng safe houses. Lumitaw ang parehong halaga sa magkakaibang quarter noong 2022 at 2023.
Kinumpirma rin ni OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio na 11 araw lamang ang sakop ng 2022 accomplishment report, habang mas mahaba ang sakop ng mga sumunod na ulat, ngunit may ilang halagang nanatiling pareho.
Dahil dito, sinabi ni Ridon na dapat siyasatin ng Ombudsman kung may aktuwal na malversation na kinasasangkutan nina dating special disbursing officer Gina Acosta, dating security chief Raymund Dante Lachica at Vice President Sara Duterte.
Iginiit din ni Ridon na hindi lamang sina Acosta at Lachica ang dapat managot dahil, aniya, si Duterte mismo ang nag-utos na ilipat ang P125 milyon mula kay Acosta kay Lachica.
Sinabi ni Ridon na itutuloy ng prosecution ang pagbusisi sa mga dokumento hanggang sa matapos ang impeachment proceedings.










