Dahil sa paglaganap ng Coronavirus 2019 (COVID-19) at banta nito sa bansa na sinundan pa ng pagdedeklara ng public health emergency ng Pangulong Rodrigo Duterte, nananawagan ngayon sa Department of Education (DepEd) si San Jose del Monte (SJDM), Bulacan Rep. Rida Robes na ipasa na lamang ang mga estudyante at pansamantalang isara na ang lahat ng pampubliko at pribadong eskwelahan sa buong bansa.
Sinabi ni Robes na marami na ring kumausap sa kanya mula sa mga magulang ng mga estudyante ng San Jose Del Monte City at ibang lugar na lubhang nag-aalala sa pagpasok ng kanilang mga anak sa eskwelahan.
Pananawagan din umano ng mga magulang sa DepEd na mag-issue na ng direktiba dahil panahon na ng final exams at graduation rites sa mga susunod na linggo.
Dahil nasa huling linggo na rin lang umano ng kasalukuyang school year, maaaring utusan ng DepEd ang mga school administrators na ipasa na ang lahat ng estudyante dahil ito ang hinihingi ng sitwasyon at para sa humanitarian consideration.
Maarin din naman umanong isaalang-alang na lamang ang mga quizzes at homework nitong last quarter na maging batayan sa final grade ng mga estudyante nitong fourth quarter.
Mula kahapon ay nakikipag-ugnayan na raw ang kongresista sa DepEd upang kumuha ng guidance ngunit hanggang ngayon ay hindi pa siya nabibigyan ng tiyak na sagot.
Hindi ito para i-pressure ang DepEd kundi ito ay para masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga anak na mas posibleng mahawa sa virus kung sila ay nasa eskwelahan.