-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang umano’y ”bagman” ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga, kung saan iginiit ng mambabatas na kapani-paniwala ang mga alegasyon nito laban sa Pangalawang Pangulo kaugnay ng kinahaharap na reklamong impeachment.

Ayon kay Acidre, ang supplementary affidavit ni Madriaga ay detalyado at mahirap umanong imbentuhin dahil sa dami ng impormasyong inilatag nito. Sinabi rin niyang malinaw at tuloy-tuloy ang salaysay ni Madriaga na nagpapakita ng malalim na kaalaman nito.

Dagdag pa ng Kongresista na may direktang kaalaman si Madriaga sa mga sinasabing transaksyon dahil sa malapit umano nitong ugnayan kay Sara Duterte at sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Magugunitang humarap si Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril 14 kung saan isinumite niya ang kanyang 24-pahinang sworn statement.

Nilalaman nito ang mas detalyadong bersyon ng kanyang naunang affidavit na lumabas na sa publiko noong nakaraang taon.

Dagdag pa ng mambabatas, nagpakita rin umano si Madriaga ng mga ebidensya tulad ng mga tseke at larawan upang suportahan ang kanyang mga pahayag.

Gayunpaman, kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang kredibilidad at motibo ni Madriaga dahil siya ay kasalukuyang nakakulong sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Ayon kay Acidre, mas lalong nagiging mabigat ang mga alegasyon kapag isinasaalang-alang ang mga naunang audit findings na nag-flag ng kakulangan sa dokumentasyon ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Bukod dito nanumpa rin daw si Madriaga at nagsumite pa ng waiver of bank secrecy, na nagpapakita umano ng kahandaan nitong patunayan ang kanyang mga sinasabi.