Nakatakdang manguna si Atty. Sheila Sison, na kinikilala sa 16 na abogadong magtatanggol kay Vice President Sara Duterte sa nalalapit nitong impeachment trial sa Senado na itinakda sa Hulyo 6.
Bago ang inaabangang paglilitis, isinagawa noong Hunyo 18 ang pre-trial conference sa pagitan ng kampo ni VP Sara at ng House prosecution panel. Pinangunahan ito nina Atty. Michael Poa para sa depensa at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro para sa prosekusyon.
Isa sa mga naging usap-usapan matapos ang pagpupulong ay ang umano’y pagsapaw ng kampo ni Duterte sa House prosecution panel. Gayunpaman, mariing itinanggi ito ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, miyembro ng prosecution panel.
“Nandoon po ako mula noong umpisa hanggang sa pinakadulo ng alas-5 ng hapon. Wala pong nangyari na pag-a-outshined, pag-outgunned, o pagkain nang buhay kay Congresswoman Luistro,” ani Ridon.
Dagdag pa niya, “Ang tanong po namin sa nagpakalat ng ganoong kuwento, saang planeta nangyari ang bagay na iyon?”
Samantala, sinabi ni Clerk of Court at Senate Secretary Renato Bantug Jr. noong Hunyo 22 na normal lamang ang matitinding palitan ng argumento sa pagitan ng mga abogado sa ganitong uri ng pagdinig. Aniya, ang tanging tiyak na nangyari ay ang pamamahagi ng lumpia sa magkabilang kampo.
Muli ring iginiit ni Bantug na bagama’t may mga naganap na sagutan sa pagitan ng mga abogado, maituturing pa rin itong bahagi ng karaniwang proseso ng legal na diskusyon.
Noong Hunyo 22, personal ding pinabulaanan ni Luistro ang mga ulat na umano’y nasapawan ang House prosecution panel sa pre-trial conference.
“We are not struggling. We are very much prepared. But as I have said, it has been our position to have this pre-trial conference in an expeditious manner,” pahayag ni Luistro.
Ipinaliwanag din niya na nakatuon ang kanilang panig sa agarang pagtukoy sa agenda ng pre-trial conference dahil wala namang kapangyarihan ang Clerk of Court na resolbahin ang mga manipestasyong inihain ng depensa.
“So regardless of the manifestation that was raised by the Defense, including counter stipulation, we maintained our position that that cannot be resolved by Clerk of Court and therefore we should proceed immediately to the agenda of the pre-trial conference,” dagdag niya.
Sino si Sheila Sison?
Sa gitna ng mga usapin kaugnay ng impeachment trial, umani ng pansin si Atty. Sheila Sison bilang pangunahing abogado ng depensa ni Sara Duterte.
Ayon sa Fortun Narvasa & Salazar Law Firm, si Sison ay isang abogado na nakatuon sa pagbibigay ng mataas na antas ng serbisyong legal upang matiyak ang hustisya para sa kanyang mga kliyente habang pinoprotektahan ang kanilang mga karapatan sa buhay, kalayaan, at pag-aari.
Binanggit din ng law firm na madalas hawakan ni Sison ang mga komplikado at matitinding kasong hindi karaniwang pinapasok ng maraming abogado.
Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Communication Arts, major in Writing, sa University of the Philippines Los Baños. Nakuha naman niya ang kanyang Bachelor of Laws sa San Sebastian College of Law–Recoletos, kung saan siya ay naging Academic Scholar of the Recoletos Order.
Habang nag-aaral ng abogasya, naging consistent Dean’s Lister si Sison at nagtapos bilang Class Valedictorian. Ginawaran din siya ng Academic Excellence Medal of Honor ng Recoletos Educational Apostolate of the Philippines.
Ayon pa sa kanyang law firm, kinilala siyang Lawyer of the Year sa loob ng limang magkakasunod na taon mula 2015 hanggang 2019.
Ang pangunahing espesyalisasyon ni Sison ay criminal litigation. Mayroon din siyang malawak na karanasan sa civil litigation, family law, appellate practice, labor law, mining law, at corporate law.
Mga abogado sa kampo ni VP Sara
Batay sa kopya ng Appearance–Ad Cautelam na inilabas ni Senate Impeachment Court spokesperson Reginald Tongol noong Hunyo 16, kabilang sa legal team ni Vice President Duterte ang mga sumusunod:
Philip Sigfried Fortun
Gregorio Narvasa
Carlo Joaquin Narvasa
Roberto Batungbacal
Justin Nicol Gular
Lindon Miguel Bacquel
David Ronell Golla VII
Maria Selena Golda Fortun
Claraine Radoc
Francesca Marie Flores
Miguel Carlos Fernandez
Michael Wesley Poa
Reynold Munsayac
Mark Vinluan
Ralph Bodota
Sheila Sison
















