-- Advertisements --

Magsasampa na ng pormal na reklamo ang National Bureau of Investigation laban kay former Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor kaugnay sa ni-raid na KTV Bar at Hotel kamakailan.

Ayon sa direktor ng kawanihan na si Atty. Melvin Matibag, sasampahan nila ng reklamong ‘human trafficking’ ang dating mambabatas.

Ihahain aniya nila ito ngayong darating na Biyernes, ika-26 ng Hunyo sa Pasig City Prosecutors Office.

Ibinahagi ni NBI Dir. Matibag na bahagyang natagalan ang pagsasampa ng reklamo dahil sa sinuri pa munang maigi ang naging partisipasyon ni former Rep. Defensor.

Dito aniya napag-alaman na mayroon matibay na ebidensyang makapagsasabi na sangkot si Defensor sa ilegal na gawain sa loob ng establisyimento.

Mariing pinanindigan ni Atty. Matibag ang alegasyon may nalalaman ang dating mambabatas sa operasyon ng ‘human trafficking’.

Ipinakita ng direktor ang ebidensyang makapagpapatunay dito katulad ng ‘blue print’ ng ni-raid na gusali kung saan binago ang disenyo para tumugma umano sa ilegal na gawain.