-- Advertisements --

Nakatakdang simulan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mass registration para sa National ID System sa darating na Oktubre 12.

Ito ay matapos na hindi natuloy ang mass registration noong Hulyo dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni PSA Asec. Rosalinda Bautista na prayoridad nila sa registration ang 5 million na low-income households mula sa listahan ng Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Baustista, magbabahay-bahay ang mga PSA personnel para kunin ang impormasyon ng mga pre-registrants.

Sa ganitong paraan aniya ay mapapabilis ang proseso dahil hindi na kailangan pang maghintay ng matagal ng mga pre-registrants kapag sila ay pupunta sa mga registration centers sa November 25 para naman sa kanilang biometric capture.

Tinukoy ni Bautista na karagdagang 4 million katao pa ang ise-schedule nila para sa registration.

Sa susunod na taon, target naman nilang maitala ang 45 million katao, at karagdagang 42 million pa sa 2022.

Nilinaw naman ng opisyal na libre ang registration at ID na ibibigay.