-- Advertisements --
Comelec building 2022 05 26 01 04 03

Muling nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng mga Pinoy na nagtatrabaho at naninirahan sa ibayong dagat na ang registration para sa overseas voters ay magpapatuloy ngayong araw Disyembre 9.

Sinabi ng Comelec Office for Overseas Voting (OFOV) na ang registration na tatagal hanggang sa Setyembre 30, 204 ay bilang paghahanda na rin sa 2025 midterm elections.

Dahil dito, hinikayat ng Comelec ang lahat ng mga kuwalipikadong Filipino citizen na hindi pa nakakapagparehistro sa ibayong dagat na puwede silang maghain ng kanilang aplikasyon para sa registrations ano mang post abroad o designated registration centers sa labas ng Post.

Puwede rin umano silang magtungo sa mga designated registration centers sa Pilipinas.

Ang mga papayagan na mag-register ay ang mga citizen sa Pilipinas, ang mga nasa abroad o ang mga lalabas sa bansa sa kasagsagan ng 30-day voting period ng midterm elections o sa April 13, 2025 hanggang May 12, 2025.

Dapat ay 18-anyos din ang edad ng mga ito bago o sa araw mismo ng halalan.

Para makapag-register, ang mga aplikante ay dapat na makakuha ng Overseas Voter Registration Form (OVF1) na downloadable sa Comelec website.

Pero kailangan naman itong personal na isumite ng magrerehistro sa designated registration centers.

Maliban naman sa OVF1, kailangan din ng mga magpaparehistro na magprisinta ng Philippine passport o Certification na inisyu ng Post.

Dapat ay nakasaad sa certification na natanggap o na-review ng mga ito ang mga karampatang mga dokumento na isinumite ng mga aplikante na magiging basehan sa pag-iisyu ng pasaporte o original o certified true copy ng Order of Approval ng kanilang mga aplikasyon para mapanatili o ma-reacquire ang kanilang Filipino citizenship na inisyu ng Post sakaling mag-reacquire ang mga aplikante ng kanilang Filipino citizenship o photocopy ng kanilang Seafarer’s Book kung ang mga ito ay seafarers.

Hindi naman kuwalipikado sa registration ang mga Pinoy na nawala ang Filipino citizenship; ang mga nanumpa ng kanilang allegiance sa foreign country maliban na lamang sa dual citizens na nasa ilalim naman ng “The Citizenship Retention and Reacquisition Act of 2003.”

Hindi rin kuwalipikado ang mga nakagawa at mga convicted na mayroon ng final judgment ng korte o tribunal sa kasong ang kaparusahan ay pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon o ang sino mang citizen ng Pilipinas sa ibayong dagat na naideklarang incompetent ng mga otoridad sa Pilipinas o sa ibayong dagat.

Ang lahat ng mga makakapagparehistro naman ay makasasali sa May 2025 midterm polls at makakaboto para sa national candidates gaya ng mga senador at party-list representative.

Tatagal ang overseas voting sa loob ng isang buwan simula sa April 2025.