-- Advertisements --

Maaari na raw simula ang recruitment sa mga pasyenteng sasali sa clinical trial ng gamot na Avigan sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na pinayagan na ang proponent o mamumuno ng trial na si Dr. Regina Berba, infectious diseases expert, na mangasiwa na sa paghahanap ng mga volunteers.

“Nagkaroon tayo ng meeting last week at nagkaroon ng kasunduan that we can already allow our proponent, Dr. Berba, she can oversee the recruitment of participants.”

Nilinaw ni Vergeire na maaari pang madagdagan ang 100 na initial target number of participants ng trial. Reaksyon ito ng DOH spokesperson matapos umalma ang ilang eksperto sa isinagawang trials ng gamot sa Japan.

Batay sa ulat, hindi raw kumbinsido ang ilang eksperto sa resulta ng Avigan trials sa 200 participants. Masyado umanong maliit ang bilang para makapaglabas ng matibay na ebidensya.

“These trials are open, katulad ng WHO Solidarity Trial for drugs, habang nakikita natin na lumalawig, may natatanggal na gamot, tumitigil na pasyente, pwede kang magdagdag in the course of this trial.”

“We’re not saying na 100 is 100. We will see kung kakailanganin na magdagdag in the coming weeks as we go along with the trial, we will do that.”

Donasyon ng Japanese government ang Avigan na isang uri ng anti-influenza drug na ginagamit sa Japan.

Noong Agosto pa dapat ang orihinal na schedule na pagsisimula ng trial nito sa Pilipinas.