-- Advertisements --

Nag back-out ang top medical body ng India sa halos kalahating milyong order nito ng COVID-19 antibody test kits na gawa sa China.

Ayon sa Indian Council of Medical Research, bukod sa pagiging palpak umano ng mga rapid test kits ng China ay masyado ring mahal ang presyo ng mga ito.

Hindi rin umano sensitive ang mga sample kits mula sa dalawang Chinese companies na gumagawa ng mga test kits.

Ang naturang COVID-19 kits ay kayang makapagbigay ng resulta sa loob ng 30 minuto at may kakayahan din itong i-detect ang antibodies sa dugo ng isang indibidwal na tinamaan ng naturang sakit.

Sa pamamagitan din nito ay mabilis na maiintindihan ng mga health officials ang lawak ng impeksyon sa isang lugar.

Una nang natanggap ng India ang halos isang milyong kits mula China dahil kinakailangan na ng nasabing bansa ang paggamit ng rapid test kits upang kaagad ma-trace ang pagkalat ng coronavirus.

Base naman sa mga health experts, malaki umano ang naitulong nang ipinatupad na nationwide lockdown simula noong Marso 25 sapagkat bumagal umano ang pagkalat ng nakamamatay na virus sa bansa.

Sa ngayon ay pumalo na ng 29,451 katao ang infected ng COVID-19 sa India habang 939 na ang nasawi dahil sa sakit.