-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Health (DOH) ang pagtutol sa rapid antibody test bilang screening test sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya matapos isailalim sa rapid test ang mga umuwing locally stranded individuals (LSIs), na kamakailan ay pumwesto sa Rizal Memorial Stadium.

Una nang ipinaliwanag ng Health deparment na maaaring maglabas ng “false positive” at “false negative” results ang rapid test.

“Kung nagpositive po sa antibody test, ibig sabihin lang nito na nagmount na ng immune response ang katawan mo laban sa virus.”

“Pwedeng nagkaroon ka na dati ng COVID-19. Kung mag-test man sila ng positive sa RT-PCR, since ito yung confirmatory test, dapat ma-isolate ang mga COVID-19 cases.”

Ipinaalala naman ng ahensya ang nilalaman ng kanilang Administrative Order 2020-0015, kung saan nakasaad ang guidelines na dapat sundin ng otoridad para matiyak na maiiwasan ang pagdidikit-dikit ng tao sa pampublikong lugar.

“Para sa Engineering Control: Dapat may mga red marking tapes sa sahig upang paalalahanan ang mga tao na panatilihin ang 1-meter na distansya mula sa isa’t isa.”

“Administrative Control: Dapat limitahan ang dami ng mga tao sa loob ng isang establisyimento.”

Dapat din daw magsuot ng face mask, cloth o surgical man, para sa mga may sintomas.

Nakikipag-ugnayan na araw ang DOH sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para masigurong ang mga nabanggit na health protocols ay nasusunod at naipapatupad sa mga LSIs.

Nitong Huwebes, tinapos ng Presidential Management Staff ang paghahatid sa ikalawang batch ng LSIs na umuwi sa iba’t-ibang probinsya.

Pansamantalang isinara ang Rizal Stadium para sa disinfection activity.