Prayoridad ng pamahalaan sa naka-planong mass testing ang mahigit 20,000 overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi ng bansa kamakailan.
Bukod pa ito sa 40,000 pang OFWs na nakatakdang umuwi rin ng Pilipinas ngayong Mayo at sa darating na Hunyo dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay National Task Force COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. ito ay para ma-decongest na rin ang mga quarantine facilities sa Metro Manila kung saan naka-isolate ang mga repatriated OFWs.
Sinabi ni Galvez na papayagan nang maka-uwi sa kanikanilang probinsya ang mga OFWs na magnenegatibo sa COVID-19.
Samantala, target naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases na matapos ang COVID-19 testing pagsapit ng Mayo 15, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
Ito ay para matukoy na rin aniya kung tatanggalin na ba ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at isailalim na lang ito sa general community quarantine.










