-- Advertisements --

Gumawa ng kasaysayan ang Qatar matapos makuha ang kanilang kauna-unahang puntos sa World Cup nang gulatin nila ang Switzerland sa isang 1-1 na tabla sa kanilang unang laro nitong Sabado (Linggo sa Maynila).

Unang lumamang ang Switzerland sa unang bahagi ng laro matapos maipasok ni Breel Embolo ang isang penalty kick sa ika-13 minuto.

Nangunguna ang mga Swiss sa buong laro at nakatira ng 26 na beses, ngunit hindi nila tuluyang napatay ang laban dahil sa higpit ng depensa ng Qatar.

Nabayaran ng Switzerland ang kanilang mga nasayang na pagkakataon nang magkaroon ng own goal o maling sipa sa sariling net ang Swiss player na si Miro Muheim sa ika-94 na minuto (injury time).

Nangyari ito dahil sa matinding presyur mula sa kapitan ng Qatar na si Boualem Khoukhi, dahilan para magdiwang ang koponan ng Qatar.

Ito ang ikalawang beses na nakasali ang Qatar sa World Cup finals matapos nilang maging host noong 2022.

Ito rin ang unang pagkakataon na nakapag-coach sa World Cup ang kanilang Spanish mentor na si Julen Lopetegui.

Sa darating na Huwebes, makakaharap ng Switzerland ang Bosnia sa Los Angeles, habang makakalaban naman ng Qatar ang co-host na Canada sa Vancouver.