Inaangkin ni Russian President Vladimir Putin na nagtagumpay ito na makontrol ang Mariupol at idineklara pa ang port city na “liberated” sa kabila ng patuloy ng pakikipaglaban ng daan-daan pang Ukrainian troops at sibilyan na nananatili sa loob ng higanteng steelworks.
Kaugnay nito, sa isang televised meeting sa Kremlin pinasalamatan ni Putin ang defense minister at Russian troops para sa matagumpay na pagkumpleto sa combat effort para mapalaya ang Mariupol.
Ipinag-utos din ni Putin sa mga sundalo ng Russia na huwag atakehin ang Azovstal steel mill complex kung saan nakabase ang nasa 2,000 Ukrainian fighters sa halip ay harangan ang planta para hindi matamaan.
Ngunit pinabulaanan ng Estados Unidos ang claim na ito ng Russia at naniniwala ito na nananatili pa rin ang pagdepensa ng Ukrainian forces sa Mariupol.
Ayon naman sa Ukraine, nais lamang ni Putin na makaiwas na makipagsagupaan ang Russian forces sa Mariupol dahil sa kakulangan ng mga sundalo para talunin ang Ukrainian soldiers.