-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Naisampa na ang kasong pagpatay laban sa pitong katao na sangkot sa pagpatay kay dating Jolo chief of police Lt. Col. Walter Annayo noong Nobyembre 21, 2020 Sultan Mastura, Maguindanao.

Nakilala ang mga suspek na sina Rasul Nahang Radja, Nara Kagatan Asula at ang limang iba pa.

Isinampa ang kaso laban sa mga suspek sa Office of the Provincial Prosecutor ng Maguindanao sa ilalim ng NPS Docket No. XIV-05-INV-21A03095.

Natukoy ang mga salarin sa malalimang imbestigasyon ng Special Investigation Task Group o SITG Annayo.

Ang mga suspek ay sangkot sa illegal drug trade sa Jolo Sulu at nabuwag ang kanilang grupo dahil sa pinaigting na war on drugs ni Col Annayo.

Nakaantabay na lamang ang CIDG-BAR sa paglabas ng warrant of arrest laban sa mga suspek.

Matatandaan na sakay ng Toyota Fortuner si Annayo patungo sana ng PRO-BAR at huminto ito saglit para bumili ng buko juice sa Barangay Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay rin ng SUV.

Nagtamo ng tama sa ulo ang biktima at sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan kaya agad binawian ng buhay.

Si Annayo ang hepe ng Jolo PNP nang mangyari ang shooting incident sa pagitan ng ilang tauhan ng PNP Jolo at mga myembro ng Philippine Army intelligence unit na ikinasawi ng apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong buwan mg Hunyo ng nakalipas na taon.

Sinibak sa pwesto ang opisyal at itinalaga sa Regional Personnel Holding Unit ng PRO-BAR sa Camp SK Pendatun, Parang, Maguindanao matapos ang insidente.
Pinuri naman ni PRO-BAR regional director B/Gen. Samuel Rodriguez ang CIDG sa pagpursige sa kanilang imbestigasyon para matukoy ang mga suspek at masampahan ng kaso.