-- Advertisements --

Hinamon ni Davao City 1st District Rep. Paolo ”Pulong” Duterte si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ‘Magpa-hair follicle drug test’ kasunod ng nanging komento ng kalihim.

Bunsod ito nang tawagin ni Remulla si Pulong na ”Baka sabog” lang ito nang marinig ang balitang mayroon nang inilabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Bong Go at dalawang dating opisyal ng pulisya.

“Baka sabog siya no’ng narinig niya. Wala pa kaming nakikitang ganoon eh,” ani Remulla.

Dahil dito bumuwelta si Rep. Duterte: “Kung gusto mo talagang malaman kung sino ang “high” at sino ang “sabog,” simple lang naman ang solusyon. Magpa-hair follicle drug test tayo. Sama mo na ang boss mo at asawa’t anak nya. Para isang testing na lang, tapos ang usapan,” pahayag ni Pulong Duterte.

“Ako pa talaga hinamon mong ‘high’ at ‘sabog’ Secretary Remulla? Ako?” Tanong ng mambabatas.

Una nang itinanggi ni Remulla na wala pa siyang nakikitang anumang warrant na inilabas ng ICC kaugnay ng alegasyon ng Kongresista.

Nang tanungin kung may access si Duterte sa naturang dokumento, sinabi ng kalihim na siya mismo ay walang alam tungkol dito.

“’Di ko nga alam eh, kaya nga baka sabog no’ng sinabi niya eh. Kasi siya lang nakakita noon eh,” dagdag niya.

Samantala, nang banggitin ang pahayag ni Duterte na nagmula umano ang impormasyon sa isang “highly reliable source,” muling kinuwestiyon ito ni Remulla.

“Baka high lang,” saad pa ni Remulla.

Noong Miyerkules, Hunyo 17, sinabi ni Duterte sa isang Facebook post na ipinaalam umano sa kaniya ng isang mapagkakatiwalaang source na nakapaglabas na ng arrest warrants ang ICC laban kay Go at dalawang dating pulis.

Kaugnay nito, nauna na ring pinabulaanan ni dating senador Antonio Trillanes IV ang naturang alegasyon. Ayon sa kanya, wala pang inilalabas na warrant ang ICC laban kaninuman.

“Huwag kayo magpapaniwala diyan kay Pulong. Wala pang ICC warrant na lumabas para kanino man,” ani Trillanes.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC hinggil sa sinasabing arrest warrants laban kay Senator Go at sa dalawang dating opisyal ng pulisya.

Sinisikap pa ng Bombo Radyo na makuhaan ng panig ang Malacañang at ni Sec. Remulla sa bagong patutsada ni Rep. Duterte.