Pinabulaanan ngayon ng Cebu City Police Office (CCPO) na sangkot ang kanilang tauhan sa umano’y pagdukot sa development workers na sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa daungan nitong lungsod ng Cebu.
Inihayag ni Plt Colonel Maria Theresa Macatangay,nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa port authority at maritime police kaugnay sa nasabing insidente.
Batay sa kumakalat na video, ipinakita na sapilitang pinapasok sina Gumanao at Dayoha sa loob ng isang sasakyan pagdating ng mga ito mula sa Cagayan de Oro noong Enero 10 at iniulat na nawawala.
Nitong Lunes lang ng kinumpirma ng pamilya ng mga ito na natagpuan na silang ligtas.
Hinikayat pa ni Macatangay ang dalawa na magbigay ng impormasyon at makipagtulungan sa kanila para madaling malutas ito at masasampahan ng karampatang kaso kung may dapat mang managot sa kanilang alegasyon na pagdukot.
Handa naman umano silang magbigay ng seguridad sa mga ito kung totoo man ang pahayag at maaari pang isailalim ang mga ito sa witness protection protection program.
Nauna nang ipinahayag ng Police Regional Office-7 na magsasagawa sila ng “malalim, masinsinan at walang kinikilingan na pagsisiyasat ” at tiniyak din nito ang transparency sa imbestigasyon.










