Bibigyang parangal ng Philippine National Police (PNP) si PMSgt. Fernando Marfa Jr., ang pulis na nasawi habang inililigtas ang dalawang iba pang Bantay dagat volunteer mula sa rumaragasang ilog sa Cadiz City, Negros Occidental sa kasagsagan ng seaborne patrol noong Biyernes, Agosto 7.
Sa isang statement, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Malencio Nartatez Jr. na kanilang binibigyang-pugay ang alaala ni MSgt. Marfa sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa paglilingkod sa mga komunidad nang may parehong dedikasyon na ipinamalas niya sa kanyang mga huling sandali.
Tiniyak din ng PNP chief ang pagpapaabot ng lahat ng tulong at benepisyo sa naulilang pamilya ni MSgt. Marfa bilang opisyal ng pulisya na namatay sa ngalan ng tungkulin.
Una rito, nagsasagawa noon ng pagpapatroliya si Marfa sa may Sitio Bisang, Barangay Luna umaga ng Biyernes, nang matangay ng malakas na current ang kasama niyang dalawang miyembro ng Bantay Dagat, subalit sa kasamaang palad tinangay siya pababa ng ilog. Natagpuan ang kaniyang katawan matapos ang isang oras na search operation. Idineklara siyang dead on arrival sa Cadiz District Hospital at idineklarang nasawi dahil sa asphyxia bunsod ng pagkalunod. Ligtas naman ang dalawang Bantay Dagat volunteer.
Nangyari ang insidente sa gitna ng matinding pag-ulan dala ng hanging habagat sa Negros Island na nagresulta sa pag-apaw ng ilog sa Cadiz.
Nagpaabot naman ng lubos na pakikiramay ang pambansang pulisya sa pagpanaw ni MSgt. Marfa, na nagsilbi sa PNP sa loob ng 15 taon.
Ayon sa PNP chief, nagpalamas ng katapangan at pagpapakasakit si Marfa nang piliin niyang sagipin ang kaniyang mga kasamahan sa kabila pa ng panganib.
“His actions reflect the duty and commitment expected of every police officer,” saad pa ni Gen. Nartatez.










