-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang isang pulis matapos na aksidenteng nahulog ang kaniyang baril at tinamaan ang isang taong gulang na anak nito na sanhi ng kaniyang kamatayan sa Nueva Ecija.

Ayon kay PLTCOL. Marlon Cudal – Acting COP, San Jose City Nueva Ecija PS, sa ngayon si Patrolman Crisdie Manuel, 33 anyos at nakatalaga sa Nueva Ecija 2nd Provincial Mobile Force Company ay nasa kustodiya ng Provincial Police Office ng Nueva Ecija.

Lumalabas sa kanilang imbestigasyon, na galing duty ang ama ng bata na at habang pababa siya ng motorsiklo at binababa ang kanyang mga gamit at baril ay aksidenteng mahuhulog ang baril kaya niya hinabol para di mahulog pero pumutok ang baril at aksidenteng natamaan ang kanyang isang taong gulang na anak na naglalaro malapit sa kanyang kinaroroonan.

Tinamaan ang bata sa kanyang dibdib na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Dinala pa ng ama ang anak sa ospital pero deneklarang dead on arrival ng attending physician.

Matapos ang pangyayari ay boluntaryong sumuko ang pulis at isinuko rin ang issued firearms sa kanya ng PNP.

Isinailalim din siya sa parafin test sa Nueva Ecija Forensic Unit.