Kinumpirma ni Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor na bumagsak sa apat na magkakasunod na water quality tests ang Puerto Galera at karatig na mga lugar nito dahilan para hindi maging ligtas para sa swimming at iba pang water activities.
Ayon sa Gobernador, bago pa man ang Holy week mayroon ng findings na bagsak sa lebel ng oil o grease ang kalidad ng tubig sa nasabing mga karagatan.
Sinabi din ng local executive nauna ng tinutulan ng lokal na pamahalaan ng Puerto Galera ang pagdedeklara ng state of calamity sa isla.
Nang matanong naman ang Gobernador kung magiging liable ang local officials sa Puerto Galera dahil sa pagpapahintulot parin ng mga turista at mga residente para lumangoy sa kanilang karagatan kahit pa batid nilang mayroong mga bakas ng langis sa lugar, tumanggi munang magkomento ang Gobernador.
Aniya, aantayin muna ang opisyal na posisyon dito ng Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) bago magpatupad ng ban sa swimming at water activities sa lugar.
Sa ngayon, ang kalidad ng iniinom na tubig sa 14 na mga barangay sa bayan ng Pola at iba pang mga barangay sa bayan ng Naujan ay bumagsak sa water quality tests.
Saad pa ng Gobernador na sa kabila ng hindi magandang kalidad ng nakapaligid na dagat, nananatiling bukas ang Puerto Galera para sa mga turista.
Kayat nag-abiso ang opisyal sa publiko na maging maingat sa pagpunta sa mga dagat na apektado ng tumagas na langis.