Hinimok ni Isabela Rep. Inno Dy ang publiko na sundan at bantayan ang mga online hearings ng Kamara sa mga itinutulak na amiyenda sa 1987 Constitution para malaman ang pros at cons na kaakibat ng Charter change (Cha-cha).
Dahil sa huli ang publiko rin naman ang magdedesisyon sa magiging kalalabasan ng mga itinutulak na amiyenda sa Konstitutsyon sa pamamagitan ng isang plebesito, sinabi ni Dy na sa pamamagitan nang pagbantay sa mga pagdinig ng Kamara ay makakatulong sa assessment nila.
“The HOR has really made an effort to make its deliberations accessible to the public because the House believes in transparency and in encouraging its constituents to participate and give their input on the measures we tackle,” ani Dy.
Kung marami sa publiko ang may alam sa mga proposed amendments, mas mabuti ito dahil marami rin ang magkakaroon ng ideya kung kailangan o hindi ang mga itinutulak mga pagbabago sa probisyon ng Saligang Batas.
Bukas, Enero 13, nakatakdang simulan ng House Committee on Constitutional Amendements ang unang pagdinig nito sa itinutulak na Cha-cha.
Ayon sa chairman ng komite na si AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, tanging mga economic provisions lamang ng Saligang Batas ang kanilang tatalakayin, base na rin sa resolusyon na inihain mismo ni Speaker Lord Allan Velasco.










