-- Advertisements --

VALENCIA, NEGROS ORIENTAL – Humiling ngayon ng malalimang imbestigasyon sa pulisya ang mga kamag-anak at kaibigan ng isang guro matapos itong brutal na pinatay ng kanyang asawa kahapon, Nobyembre 18, sa North Poblacion, Valencia, Negros Oriental.

Pinabulaanan ng mga ito ang mga lumalabas na balitang sinasabing pinatay ang 35 anyos na biktimang si Irma Klyne Costas dahil sa selos.

Nakatira umano sa kanyang mga magulang si Irma dahil sa inilabas na Barangay Protection Order (BPO) laban sa asawa nito dahil sa domestic violence.

Ngunit pinuntahan ito ng suspek para pauwiin sa kanila at doon na nagkaroon ng pagtatalo.

Bumungad nalang sa pamilya ng biktima ang duguan na katawan nito.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya pinatay umano ng suspek na na si Marneil Ralph Costas ang guro dahil sa selos kung saan nagtamo ito ng hindi bababa sa 15 saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan dahilan sa agarang pagkamatay nito.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspek matapos ang nagawang krimen.

Samantala, sa inilabas na pahayag ng mga netizens, inilarawan ng mga ito ang kindergarten teacher na isang mabuting tao habang naglabas naman ang mga ito ng kanilang galit laban sa suspek na kanila namang inilarawan na isang ‘adik’, ‘walang trabaho”, at “abusive” na asawa.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Valencia Police station ang suspek at nakatakdang sampahan ng karampatang kaso.