-- Advertisements --
image 64

Nanawagan ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Philippine National Police (PNP) para sa agarang pag-activate ng special investigation task group (SITG) matapos pagbabarilin ang isang radio news anchor kaninang madaling araw sa loob ng kanyang radio booth ng hindi pa nakikilalang gunman sa Misamis Occidental.

Sa inisyal na ulat mula sa Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) ng PNP, kinilala ang biktima na si Juan T. Jamalon, o mas kilala bilang, ‘Johnny Walker’ 57, radio anchor at station manager ng Gold FM 94.7 na nakabase sa Calamba, Misamis Occidental.

Sa isang viral na video clip ng insidente, makikita si Jamalon na dalawang beses na binaril ng suspek habang nagsasalita ito live online at hinablot din ang kanyang gintong kwintas bago tumakas sa pinangyarihan ng krimen. Idineklarang dead on arrival (DOA) si Jamalon sa Calamba District Hospital.

Ani PTFoMS executive director, Usec. Paul M. Gutierrez,“Even as we extend our sympathy to the victim’s family and friends over this dastardly attack, we also call on the Misamis Occidental Police Office to immediately constitute its SITG to investigate this incident and apprehend the suspect and others possibly involved in the interest of justice,”

Paalala ni Gutierrez, ang paglikha ng SITG sa mga insidenteng tulad nito ay kabilang sa mga napagkasunduang protocol ng mga ahensya sa loob ng PTFoMS.

Inalerto din ni Gutierrez ang National Bureau of Investigation (NBI), na bahagi rin ng PTFoMS na simulan na rin ang pangangalap ng ebidensya bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon para mapabilis ang pagresolba nito.