-- Advertisements --

Iginiit ni Trial spokesperson at Kabataan Partylist Rep. Renee Co na hindi papayagan ng House prosecution panel ang anumang hakbang na maaaring magpabagal o makapagpatigil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Co, may tungkulin ang Senado na ituloy ang paglilitis alinsunod sa itinakda ng Konstitusyon at tiyaking walang magiging sagabal sa proseso ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan. 

Sinabi rin ng mambabatas na dapat umusad ang impeachment proceedings nang walang hindi kinakailangang pagkaantala o pagkagambala.  

Binigyang-diin ng House prosecutors na ang anumang karagdagang delay sa paglilitis ay maaaring magdulot ng pagkadismaya sa publiko, lalo na’t matagal nang hinihintay ng mga mamamayan ang pagdinig sa mga alegasyon laban sa bise presidente.  

Samantala, inaasahang magsisimula ang impeachment trial sa Senado sa mga susunod na linggo matapos ang mga naging pagbabago sa liderato ng kapulungan. Kabilang sa mga kasong kinahaharap ni Duterte ang mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo at iba pang umano’y paglabag sa tiwala ng publiko, na mariin naman niyang itinatanggi at itinuturing na may bahid ng pulitika.  

Patuloy namang inihahanda ng House prosecution panel ang kanilang mga ebidensiya at mga saksi habang hinihintay ang pormal na pagsisimula ng paglilitis sa Senado.  

Samantala, sinabi naman ni Rep. Zia Alonto Adiong na bagama’t sumusunod ang depensa sa mga kautusan ng impeachment court, nananatiling tanong kung handa ba itong magbigay ng detalyadong paliwanag at ebidensiyang sasagot sa mga paratang ng prosekusyon.

Ayon sa mga prosecutor, sa ngayon ay matagumpay ang naging pre-trial process, ngunit hinihintay pa rin nila ang mas substantibong tugon ng depensa sa mga isyung ibinabato laban sa bise presidente.

Naniniwala sina Rep. Renee Co at Rep. Zia Alonto Adiong na hindi sapat ang pagsunod lamang ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa mga proseso ng impeachment court kung wala namang malinaw na paliwanag sa mga alegasyon laban sa kanya.