-- Advertisements --

Iginiit ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi magpapadikta sa anumang pressure group ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Adiong, ang mandato ng House prosecution panel ay nakabatay sa Konstitusyon at sa mga ebidensyang ihaharap sa Senado bilang impeachment court, hindi sa panig ng mga sumusuporta o tumututol sa impeachment.

Sinabi rin niyang matagal nang may umiiral na pressure mula sa magkabilang panig, ngunit mananatiling nakatuon ang prosecution sa pagpapatuloy ng proseso ng pananagutan na itinakda ng Konstitusyon.

Nakatakdang simulan ng Senado ang paglilitis bukas, July 6, matapos mailabas ang pretrial order at makumpleto ang mga paghahanda para sa kaso.

Binigyang-diin ni Adiong na ihaharap ng prosecution ang ebidensya at hahayaan ang proseso ng impeachment na umusad hanggang sa matapos ang paglilitis.