Binigyang-diin ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na dapat resolbahin ng gobyerno ang problema sa public transportation para makabawi ang ekonomiya.
Hanggang sa ngayon, kulang na kulang pa rin ang mga pampublikong sasakyan gaya ng mga bus, PUVs habang nakatakdang magsisimula pa lamang ang ilang traditional jeepneys na sinertipikahang “road worthy” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis, walang saysay ang binabalak pang pagluluwag sa quarantine protocols sa Metro Manila at CALBARZON o pag-shift na sa modified general community quarantine (MGCQ) kung wala namang sapat na masakyan ang mga manggagawa.
Ayon kay Ortiz-Luis, ngayon ay maraming pwedeng magtrabaho pero hindi makapagtrabaho dahil walang masakyan sa pagpasok sana sa trabaho.
Inihayag ni Ortiz-Luis, 90 porsyento ng mga negosyo sa Pilipinas ay micro enterprises at walang kapasidad na magbigay ng libreng shuttle o maghatid-sundo sa kanilang mga manggagawa.
Batay sa guidelines ng LTFRB, bukas magsisimula ang biyahe ng 6,002 units ng traditional jeepneys sa 49 ruta sa Metro Manila.
















