Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na problemado pa rin sila pati na rin ang mga local government units (LGUs) sa pagpapahatid ng emergency cash assistance sa 18 million target beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP) na apektado ng COVID-19 crisis.
Ginawa ito ni DSWD spokesperson Irene Dumlao pitong araw bago matapos ang Abril, na siyang una sa dalawang buwan sa pagpapamahagi ng pamahalaan ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Ayon kay Dumlao naibigay na sa mga LGUs ang pondong gagamitin para sa SAP, pero ilan aniya sa mga ito ay may problema sa manpower sa paghatid ng ayuda para sa mga target beneficiaries ng naturang programa.
Isa rin aniya sa mga nagpatagal ay ang ginawang revalidation ng mga LGUs sa kanilang isinumiteng listahan sa DSWD alinsunod na rin sa inilabas na omnibus guidelines.
Mahigpit kasing ibinibilin sa naturang guidelines na tanging mga SAP beneficiaries lamang ang dapat na mabigyan ng ayuda at sinumang lalabag dito ay papanagutin sa batas.
Pagdating naman sa mga rural areas, sinabi ni Dumalo na pahirapan ang pagpapahatid ng tulong sa mga malalayong lugar, partikular na ang mga nasa island municipalities.
Gayunman, tinitiyak naman ni Dumlao na bagama’t nagkakaroon ng aberya ay matatanggap naman ng mga SAP beneficiaries ang ayudang ipinangako ng pamahalaan.