Tiniyak ng kasalukuyang power distribution utility sa Iloilo City na More Electric and Power Corp (More Power) na matatapos na ang mga nararanasang brownout sa lungsod sa lalong madaling panahon.
Paliwanag ni More Power Chief Operating Officer and President Roel Castro na sa ilalim ng kanilang ikinasang 3 year modernization program ay nasisimulan na nila ang pagsasaayos ng power distribution system.
Pangunahin na dito ang paglalagay ng looping system sa 69-kilovolt sub-transmission facility na siyang magsisilbing backup power supply tuwing may gagawing preventive maintenance at repair sa limang substations sa buong lalawigan.
Aabot na rin sa 130 sira sirang transformers ng Panay Electric Company (PECO) na nanganganib na sumabog o masunog ang kanila na ring napalitan gayundin ang mga nabubulok na kahoy na electric poles ay ginawa nang concrete poles.
Sinabi ni Castro na simula nitong buwan ng Mayo ay nakumpleto na nila ang pagrepair sa Jaro, City Proper at La Paz substations at sa mga darating na linggo ay tatrabahuhin naman nila ang dalawa pang substations.
Ipinaliwanag ni Castro na ang narararasang brownout sa kasalukuyan ay resulta ng mga palyado nang pasilidad na kanila minana sa PECO na kanila nang tinutugunan.
“We assure our consumers of immediate response to these unexpected brownouts so we can hasten the restoration of supply,” pahayag ni Castro.
Nasa P1.8 billion umano ang gagastusin para sa modernization program ng buong Iloilo power system na hindi lamang nakatuon sa pagsasaayos ng pasilidad kundi pagmomodernisa sa buong distribution system na makatutugon sa mataas na demand ng kuryente pagdating ng susunod na lima hanggang 10 taon.
Dagdag pa ni Castro na tinututukan din ng More Power ang problema sa jumpers o illegal connections na siyang sanhi ng pag-overload sa distribution system.
Para maiwasan na ang paggamit ng jumper ay binabaan ng More Power ang singil sa kuryente sa mga informal settlers at ginawa na lamang itong P9 per kilowatt hour.
“We reduced to rates to at least P9 per kilowatt-hour compared to P20 per kilowatthour the informal settlers paid to individuals who perpetuate the illegal connections,” dagdag ni Castro.
Mas pinadali na rin das ng kumpanya ang pag-apply ng electric meter upang mas maraming mahikayat na magkaroon ng sarili nilang kuntador ng kuryente.