-- Advertisements --

Binalaan ni Police Regional Office-7 Director PBGen Anthony Aberin ang mga hindi epektibong station commanders na bilang na ang kanilang mga araw.

Ginawa nito ang pahayag kasunod ng isinagawang send-off ceremony ng mga security personnel para sa Semana Santa.

Sinabi ni Aberin na magsagawa ito ng performance evaluation ng mga station commander sa buong Central Visayas na siyang batayan ng ipatutupad na reshuffling.

Kung makitaan na walang nagawa o kaunti ang nagawa ng isang Chief of police lalo na sa crime prevention, tatanggalin niya ito sa pwesto at papalitan ng taong kayang gawin ang trabaho.

Idinagdag pa nito na nalaman niyang may ilang mga commanders na nagpapabaya sa kanilang mga responsibilidad.

Binigyang-diin din ni Aberin na hindi isang garantiya na mananatili sa posisyon ang isang commander kapag malapit ito sa local chief executive at sinabing siya na umano ang personal na magpaliwanag sa mga alkalde kung bakit pinalitan ang kanilang hepe.

Bukod sa mga commander, binalaan din ang mga nakadeploy sa lansangan para sa police visibility na mahaharap ang mga ito sa reassignment at sanction kung mahuhuling abandonahin ang kanilang pwesto.

Sinabi ng opisyal na personal niyang bibisitahin ang mga terminal, daungan, at iba pang lugar kung saan inaasahan ang presensya ng mga pulis.