Naglabas na ng cease and desist order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa isang pribadong kompanya sa Boracay matapos mabatid na nagtatapon ito ng dumi na may mataas fecal coliform level sa dagat.
Binigyan ng pitong araw na taning ng DENR-Environmental Management Bureau (EMB) Western Visayas ang Boracay Tubi Systems, Inc. (BTSI) para gawan ng aksyon ang ulat.
Dahil tiyak raw na ipasasara ito kapag mismong Pollution Adjudication Board umano ang makadiskubre na walang pagbabago sa kabila ng pagpuna.
Batay sa ulat, nadiskubre ng DENR na malapit na sa dagat ang wastewater na ibinubuga ng isang kilometrong pipeline ng BTSI sa Brgy. Manoc-Manoc.
Nakita ng inspection team ang manilaw-nilaw na tubig na nanggagaling sa nasabing tubo.
Matapos ang ginawang laboratory test ay natukoy na mataas ang fecal coliform at phosphate level nito.
Umabot kasi sa 3,500 most probable number per 100 milliliters ang fecal coliform ng nakuhang water sample.
Higit ito sa standard na 400 MPN kada 100-ml.
“All environmental laws have to be strictly enforced because their primary purpose is to protect our environment and natural resources,” ani DENR Sec. Roy Cimatu.