Maaaring magbayad ng milyun-milyong dolyar sa legal fees si Prince Harry at iba pang kilalang personalidad matapos nilang matalo sa isinampang privacy lawsuit laban sa publisher ng Daily Mail sa United Kingdom.
Sa pagdinig sa High Court sa London, hiniling ng kampo ng Associated Newspapers na sagutin ng mga nagsampa ng kaso ang malaking bahagi ng kanilang legal expenses, na umabot na sa £34.5 million o halos 46 million US dollars.
Kasama ni Prince Harry sa mga natalo sa kaso ang singer na si Elton John at lima pang kilalang personalidad. Nauna nang ibinasura ng korte ang kanilang alegasyon na sangkot ang Daily Mail sa mga ilegal na gawain, kabilang ang umano’y phone hacking at iba pang paglabag sa privacy.
Ayon sa abogado ng Associated Newspapers, walang sapat na ebidensya ang mga nagsampa ng kaso upang patunayan ang kanilang mga paratang, dahilan upang lumaki ang gastos sa paglilitis.
Samantala, sinabi naman ng kampo nina Prince Harry na labis ang hinihinging legal fees ng publisher at nag-alok silang magbayad ng £8 million bilang paunang bayad.
Nakatakdang ipagpatuloy ng korte ang pagdinig upang pagdesisyunan kung magkano ang dapat bayaran ng mga nagsampa ng kaso sa legal expenses ng Associated Newspapers.















