-- Advertisements --

Arestado na ng mga otoridad ang gunman at primary suspek sa kasong pagpatay sa Misamis Occidental Radio broadcaster na si Juan Jumalon o mas kilala bilang DJ Johnny Walker.

Sa ulat ng Presidential Task Force on Media Security, bandang alas-3:10am ngayong araw, Abril 29, 2024 na-timbog ng pinagsanib-puwersa ng mga tauhan ng Misamis Occidental police at Zamboanga del Norte police ang naturang suspek na kinilalang si Julio Mangumpit o alyas Ricky.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, sa ngayon ay arestado na ng kapulisan ang lahat ng mga suspek sa nasabing kaso na pawang tinukoy niyang mga miyembro ng gun for hire group batay na rin aniya sa naging salaysay ng isa sa kanilang mga testigo.

Samantala, sa ngayon ay maituturing na aniyang case solved ang naturang kaso ngunit gayunpaman ay nagpapatuloy pa rin aniya ang kanilang ginagawang imbestigasyon ukol dito upang alamin kung sino ang suspek sa naturang kaso at kung ano ang motibo sa likod ng nangyaring krimen.

Kung maaaalala, Nobyembre 5, 2024 ay nagimbal ang lahat ng malapitang binaril-patay si Jumalon habang naka-on board sa kaniyang programa na naka-livestream sa kaniyang studio sa loob ng kaniyang tahanan sa Calamba, Misamis Occidental.