Nagpaalala ang Department of Trade and industry (DTI) na nananatiling epektibo ang price freeze sa 25 mga lugar na nasa ilalim pa rin ng state of calamity na idineklara dahil sa epekto ng amihan, shear line at low pressure area.
Ayon sa DTI, ang presyo ng basic necessities ay awtomatikong mananatili sa prevailing prices sa loob ng 60 araw sa oras na idineklara ang state of calamity sa isang lugar maliban na lamang kung ito ay iniutos ng Pangulo na tanggalin na bilang mandato sa ilalim ng Price Act.
Kung maaalala ilang mga lugar ang idineklara sa state of calamity simula pa noong Enero 1 dahil sa masamang lagay ng panahon kung saan nasa 39 katao na ang napaulat na nasawi.
Patuloy naman ang monitoring ng DTI sa mga produkto na ansa ilalim ng hurisdiksiyon nito kabilang ang canned fish, locally manufactured instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila,sabong panlaba, detergent, at asin.
Muling ipinapaalala ng DTI na sa ilalim ng Price Act ang mga business establishment na mapapatunayang lumabag ay papatawan ng parusang pagkakakulong sa loob ng 10 taon o multa na pumapalo sa P5000 hanggang P1 million o pareho depende sa discretion ng korte.