-- Advertisements --

Mahalaga ang pagkakaroon nang balanse sa pagtugon sa problema sa pagtaas nang presyo ng pagkain, ayon sa beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo.

Sinabi ito ni Quimbo sa panayam ng Bombo Radyo, sa gitna nang panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ng ilang sektor na magpatupad na ng price freeze matapos na pumalo sa P400 kada kilo ang bentahan ng karneng baboy sa ilang palengke sa bansa gayundin ang pagsirit ng presyo naman ng mga gulay.

Ayon kay Quimbo, maaring epektibo ang pagpapatupad ng price freeze dahil mapapababa kaagad nito ang presyo ng mga bilihin, pero dapat isipin din aniya ang kahihinatnan ng hakbang na ito sa pang matagalan.

Kapag pinababa kasi ang presyo nang pilit, sinabi ni Quimbo na maaring baratin naman ng mga middleman ang mga magsasaka at magbababoy na pinagkukuhanan ng mga ito nang supply.

Partikular na tinukoy ng kongresista ang sitwasyon sa hograising business kung saan kapag kalaunan ay magiging mababa ang presyo nang bilihan dito ay wala nang papasok sa naturang negosyo.

Isa sa mga maaring tingnan ng gobyerno para sa mas mabilis na pagbaba ng presyo ng karneng baboy, at para matiyak ang sapat na supply, ay ang pagpayag sa pagpasok ng imported meat products pero sa mas mababang ipinapataw na taripa.

Pero maari namang magresulta ito sa pagiging “highly dependent” ang bansa sa mga imported na meat products.

Posible ring mahirapan na makipagkompetensya ang mga local hograisers sa murang imported products.

Sa huli, kailangan talga na tulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka at magbababoy sa pamamagitan nang pagbigay ng subsidy o assistance mula sa kikitain sa taripang ipapataw sa mga imported products.