Kinalampag ni Committee on Transportation Vice Chair at Iloilo City Rep. Julienne Baronda ang Department of Trade and Industry (DTI) na banatayan ang presyo ng mga ibinibentang face shield sa bansa.
Pinatitiyak ni Baronda sa DTI na walang negosyanteng magsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon upang sa gayon ay maiwasan ang overpricing.
Ginawa ng kongresista ang apela niyang ito kasunod na rin ng kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na gawing mandatory para sa publiko ang pagsusuot ng face shield at face mask tuwing sasakay sa public transportation.
Mababatid na ilang araw mula nang inanunsyo ng IATF ang mandatory na pagsuot ng face shield sa tuwing sasakay sa mga pampublikong sasakyan ay marami na ang umaangal dahil sa pagsirit sa presyo nito.
Kaya dapat aniyang mahigpit ang pagbabantay ng DTI dito, bilang tugon na rin sa mahigpit na safety at health protocols na umiiral sa kasalukuyan.










