Magpapatuloy sa Lunes, Hunyo 22, ang pre-trial conference para sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte matapos hindi pa makumpleto ang lahat ng ebidensya ng magkabilang panig.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense panel ni VP Sara, matapos ang isinagawang closed-door pre-trial conference.
Ayon kay Poa, natapos pa lamang nilang markahan ang mga ebidensya para sa isang artikulo ng impeachment at may tatlo pang natitirang tatalakayin bago tuluyang magsimula ang paglilitis.
Kabilang sa Article III ang mga alegasyon ng bribery, graft and corruption, paglabag sa Konstitusyon, at betrayal of public trust laban sa Bise Presidente.
Dagdag pa niya, umaasa silang matatapos ang buong proseso sa Lunes, ngunit handa rin silang bumalik sa Martes kung kinakailangan.
Ipinaliwanag din ni Poa na mahirap pang matiyak kung kailan matatapos ang pre-trial dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang suriin at markahan para sa iba pang mga artikulo ng impeachment.
Sa kabila nito, naniniwala ang defense team na posible pa ring masunod ang target na pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.
Samantala, nagkasundo na rin umano ang depensa at prosekusyon sa kani-kanilang listahan ng mga testigo. Tinatayang nasa 25 hanggang 30 testigo ang ihaharap ng kampo ni Duterte, kabilang ang ilang reserve witnesses.
Nilinaw rin ni Poa na normal lamang ang mga argumento at diskusyon sa pagitan ng depensa at prosekusyon sa panahon ng pre-trial at wala umanong personal na alitan sa pagitan ng dalawang panig.
















