LEGAZPI CITY- Nagpatupad na ng pre-emptive evacuation ang Guinobatan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para sa mga residente na nasa “high risk areas,” partikular na ang mga nasa Mayon unit area dahil sa banta ng Bagyong Bising.
Kaagapay ng lokal na pamahalaan ang mga sundalo at pulis na nagpahiram ng mga sasakyan patungo sa evacuation centers.
Sa kasalukuyan ay ramdam na ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Albay kung saan nakataas ang tropical storm signal No. 1.
Kaagad din naman lumikas ang mga residente dahil sa pangamba na maulit ang nangyari noong nakaraang taon kung saan maraming buhay ang nawala dahil sa mga dumaang sama ng panahon.
Sa panig naman ng mga mangingisda, itinabi na ng mga ito ang kanilang mga bangka dahil ramdam na ang malalakas na hampas ng alon ng karagatan.
Maliban sa Albay, nagpatupad na rin ng mandatory evacuation sa mga nasa high risk areas sa Catanduanes na kasalukuyang nakataas ang signal No. 2.















