KORONADAL CITY – Ipinatupad ang pre-emptive evacuation sa limang pamilya na apektado ng nangyaring landslide sa Sitio Lower Ladol, Barangay Assumption, Koronadal City.
Ito ang kinumpirma ni Cyrus Urbano, CDRRMO ng Koronadal sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Urbano, ang nasabing mga pamilya ang delikadong manatili sa kanilang bahay dahil sa pagguho ng lupa dulot pa rin ng mga pagragasa ng tubig sa matatas na parte ng nasabing lugar.
Napag-alaman na nabunot ang ilang malalaking puno sa daan maliban sa natabunan ng lupa na gumuho kaya’t pahirapan ang daan at nakaantala rin ng ilang mga motorista sa pagdaan lalo na at iisang daan lamang ang nagsisilbing entry at exit point ng lugar.
Maswerte namang walang nasaktan sa nangyari landslide.
Kung maaalala, isa ang Barangay Assumption sa mga barangay sa Koronadal na may hazard prone area sa kanilang mapa dahil sa bulubunduking parte ng kanilang barangay.