-- Advertisements --

Hinimok ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Richard Gordon ang Philippine government na magtatag o magtayo ng ‘tank farms’ para mapatatag ang petroleum industry sa bansa.

Inirekomenda ito ng dating senador upang mapataas ang stock ng petroleum products sa bansa at hindi labis na naaapektuhan sa mga pagkakataon na may nangyayaring giyera sa mga bansang pangunahing pinagkukuhanan ng supply.

Ayon kay Gordon, dapat ikonsidera na ng gobiyerno ang pagkakaroon ng sariling imbakan ng petrolyo at hindi lamang nakadepende sa pribadong sektor.

Ang tank farms aniya ang magsisilbing bodega ng langis na maaaring maglabas o mag-suplay ng sapat na stock, sa sandaling magkaroon na ng krisis tulad ng kasalukuyang nangyayari.

Sa pamamagitan nito ay maaari pa aniyang makontrol ng gobiyerno ng Pilipinas ang presyuhan ng langis.

Magiging bentahe rin ng gobiyerno ang pagkakaroon ng sapat na tank farms para masigurong tuloy-tuloy ang operasyon at paghahatid ng serbisyo sa publiko, sa kabila ng kakapusan ng suplay sa lokal na merkado.